Ang pamunuan ng Bangsamoro Government, kasama ang mga lokal na pamahalaan sa loob nito, ay kasalukuyang kumikilos upang pigilan ang pagpasok at pagkalat ng virus na nagdudulot ng COVID-19.
Narito ang ilang impormasyon tungkol sa mga panuntunang kasalukuyang pinapatupad sa mga probinsya at pangunahing lungsod sa Bangsamoro, kabilang na ang mga oras ng curfew, limitasyon sa pagbiyahe, at mga numerong maaaring kontakin para sa anumang karagdagang impormasyon at mga katanungan.

Ang probinsya ng Maguindanao ay kasalukuyang sumasailalim sa isang general community quarantine. Ibig sabihin nito ay limitado ang pagkilos ng mga residente, maliban na lamang sa pagbili ng mga pangunahing bilihin at pagpasok sa trabaho ng mga health workers at mga otorisadong empleyado ng gobyerno, kasabay ng mga naghahatid ng pangunahing serbisyo at pampublikong kagamitan. Bukod sa mga sektor na ito, pinapayuhan ang lahat na manatili sa kani-kanilang mga bahay.
Kasalukuyan ding ipinapatupad ang curfew mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-singko ng umaga, habang ipinagbabawal ang pagbiyahe papasok o palabas ng probinsya.

Mula Marso 18 hanggang Abril 14 ay sasailalim sa isang enhanced community quarantine ang probinsya ng Tawi-Tawi, kung saan pansamantalang suspendido ang mga klase at anumang mass gathering. Ang curfew hours ay nakadepende sa pasya ng mga municipal LGUs na siya ring may kapasyahan sa magiging kondukta ng mga bahay kalakal at iba pang establisyemento sa loob ng kanilang nasasakupan.
Hindi pahihintulutang dumaong sa mga pantalan ang mga lantsa mula sa mga karatig na bansa gaya ng Indonesia o Malaysia hangga’t hindi sila sumasailalim sa isang 14-day quarantine.
Tuloy naman ang pagpapasok ng mga kargamentong na may nilalamang mga batayang pangangailangan mula sa labas ng probinsiya, basta’t sasailalim sa karampatang pagsusuri ang mga tripulanteng kasama at maghahatid nito.

Ang probinsya ng Basilan ay nasa ilalim ng isang enhanced community quarantine. Nagdeklara na rin ng State of Public Health Emergency ang lokal na pamahalaan ng noong Marso 22.
Kasalukuyan nang hindi pinapayagang makapasok ng Basilan ang mga bumibiyahe papunta rito, residente man o hindi. Samantala, naipapasok pa rin ang mga kargamentong may dalang mga batayang pangangailangan, bagaman at kailangan itong sumailalim sa disinfection bago idiskarga.
Patuloy pa rin ang inter-island travel, pagbibiyahe sa pagitan ng iba’t ibang isla ng probinsya. Kasabay naman nito ay mahigpit na minomonitor ang mga pasahero at inoobserba ang mga social distancing measures upang makatulong sa pagtigil ng pagkalat ng sakit.
Sa lungsod ng Lamitan, nananatiling bukas ang mga tindahan at tuloy ang pasada ng mga pampublikong sasakyan. Nagpapatupad din ang lungsod ng curfew mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.

Ipinapatupad ang isang modified community quarantine sa Cotabato City mula Marso 20, kung saan ang 37 barangay sa loob ng lungsod ay nagtalaga na ng kani-kanilang designated entry at exit points. Dito nakapuwesto ang mga checkpoint na papangasiwaan ng mga barangay tanod at mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team.
Mahigpit nang ipinagbabawal ang paglabas-pasok ng mga hindi residente ng lungsod, liban sa mga health workers at emergency responders.
Ang mga klase sa lahat ng antas ay kanselado.Hinihikayat ang mga residente na manatili sa kani-kanilang mga bahay at sundin ang social distancing measures na ipinapayo ng mga doktor. Kailangan ding kumuha ng isa o dalawang quarantine pass kada sangkabahayan mula sa kani-kanilang mga barangay, na siyang ipepresenta sa mga kinauukulan tuwing lalabas ng bahay.
Magpapatuloy ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan, at ang mga establisyemento gaya ng mga mall at kainan ay mananatiling bukas. Magtatalaga ng sanitation zone at magkakaroon ng mandatory temperature checks sa mga establisyementong ito.


Ang lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur ay nagdeklara na ng enhanced community quarantine na magtatagal mula Marso 19 hanggang Abril 14. Kasalukuyan na ring ipinapatupad ang curfew mula alas-nuwebe ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Karamihan sa mga bahay kalakal ay pansamantalang isasara maliban sa mga mapagkukunan ng batayang pangangailangan gaya ng pagkain, tubig at gamot. Ipinapatupad din ang strict home quarantine, habang ang mga pribadong sasakyan ay maaari lamang magsakay ng dalawang pasahero alinsunod sa panuntunan ng social distancing. Ang mga single na motor ay hindi rin papayagang mag-angkas ng pasahero.
Hindi muna papayagang makapasok ang publiko sa lalawigan ng Lanao del Sur, habang hindi rin papayagan ang pagpasok sa Marawi City mula sa mga karatig na bayan ng nasabing siyudad. Tanging mga health workers, mga kinikilalang organisasyon na may dalang ayuda, mga kawani ng gobyerno mula sa nasyonal, rehiyonal at lokal na pamahalaan na kasalukuyang nakadestino sa lalawigan upang rumesponde sa COVID-19, mga kawani ng gobyerno na nakatira sa Lanao del Sur ngunit nagtatrabaho sa labas ng lalawigan at mga miyembro ng kapulisan at sandatahang lakas.

Ang lokal na pamahalaan ng Sulu ay nagdeklara ng general community quarantine noong Marso 18.
Kasalukuyang suspendido ang pasada ng mga pampublikong sasakyan sa buong lalawigan, at ang nakatakdang oras ng curfew ay mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga. Suspendido rin ang mga klase sa lahat ng antas, kapwa sa pampubliko at pribadong paaralan. Meron na ring price freeze sa presyo ng mga batayang pangangailangan, na tatagal ng 60 araw mula sa deklarasyon nito noong Marso 23. Ang mga pasahero ng mga non-conventional vessels at pumpboat na bumibiyahe mula sa ibang munisipalidad ng Sulu papunta sa lungsod ng Jolo at vice-versa ay maaaring makapasok at makalabas ng pantalan, ngunit kailangang sumunod sa proseso at mga regulasyong itinakda ng Ministry of Health.
Patuloy namang makakapasok ang mga kargamento sa pantalan ng Jolo, ngunit hindi papayagang bumaba ang mga tripulante. Makakalabas naman ang mga kargamento mula sa pantalan ng Jolo, ngunit sasailalim din ang mga ito sa mga regulasyon ng mga karatig lungsod at probinsya.
Alinsunod sa kasalukuyang quarantine sa Sulu, dapat sumailalim sa isang 14-araw na home quarantine ang sinumang galing sa mga lugar na may kaso ng COVID-19. Sa panahong ito ay imomonitor ng Sulu TF Covid ang kanyang kalagayan, habang nag-iimbestiga ang TF Covid Task Group.

Ang bayan ng Pikit, North Cotabato ay nasa ilalim ng isang preemptive lockdown mula Marso 20 hanggang Abril 14. Inoobserba ang curfew mula 8:00PM hanggang 5:00AM. Limitado rin ang bilang ng pasahero na maaaring sumakay sa pampublikong sasakyan, liban sa mga tricycle at habal habal na kasalukuyang pinagbabawalan na pumasada.
Pinapayuhan ang sinumang may mga sintomas ng COVID-19 na sumangguni sa kanilang Rural Health Unit.
This campaign is an initiative of the Office of the Minority Leader to help the Bangsamoro Government’s information drive on COVID-19. Help us reach more readers in Bangsamoro by sharing these infographics. Download here.